Friday, November 22, 2024

MGA TALÂ AT MÚNI SA PELIKULANG GOMBURZA (2023)

MGA TALÂ AT MÚNI SA PELIKULANG GOMBURZA (2023)

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Nahulí ako sa panonood ng Gomburza dahil naging lubhang abalá ang nakaraang Disyembre. Bago ako nanood, nakakabasa na ako sa feed ko ng mga positibong reaksyon at panunuri (review). Tiniis kong huwag munang magpaskil ng kahit ano hangga’t hindi ko napapanood ang pelikula. Nitong nakaraang Martes, sa wakas, nakahanap kami ni misis ng tiyempong manood. Hindi ito pormal na panunuri kundi pagbabahagi lang ng mga talâ at múni mula sa karanasan ng panonood.
NILALAMAN
1. Interesánte ang pagbubukás ng pelikula sa pagsasalaysay ng brutál na pagsupil kay Apolinario de la Cruz (Hermano Puli) at sa kanyang Cofradía de San Jose. May tatlong dekada na ang nakakaraan noon mula nang paslangin sina Puli, pero marami nga itong interseksyon sa sekularisasyon at sa malagim na kinasapitan ng kilusan noong 1872. Matalino ang pagtatahíng ito.
2. Binigyang-diin ng historyador na si John Schumacher, SJ (ginamit ang mga akda niya sa pelikula) na nagsimula ang sekularisasyon bilang isang “usaping panloob sa Simbahang Katoliko” bago naging “malinaw na paggigiit ng pagkakapantay-pantay ng mga Español at Filipino”. Bagama’t mestizo Español si Burgos, inihayag nito ang pakikiisa sa lahat ng tumubô sa Filipinas – criollo man (Español) o indio (katutubo). May mga naaalala man tayong mga pangalan ng mga bayani, madalas, wala sila sa tamang konteksto at hindi rin natin naiintindihan ang kaugnayan nila sa isa’t isa. Bukod sa paghahandog ng isang sinemátikong representasyon ng panawagan para sa sekularisasyon at ng karahasan ng 1872, nagtagumpay din ang pelikula sa pagpapalitaw ng koneksyon ng tatlong pari sa susunod na henerasyon ng mga repormista, rebolusyonaryo at nasyonalista.
3. Kulang ang pagpapakilala sa karákter ni Padre Jacinto Zamora. Bago ang pagbitay, karamihan sa mga eksenang kinabibilangan niya’y nasa mesa sila ng panguingue. Bagama’t nadawit naman talaga siya sa Motín de Cavite dahil sa pagsusugal, sana nakapagbigay pa ang pelikula ng impormasyon tungkol sa pagkapari niya (e.g. pagsisilbi niya sa mga parokya sa Pasig, Lipa at Marikina). Kung walang kaalaman sa panahong ito, maaaring itanong ng isang manonood: may ginampanan ba siya sa kilusang sekularisasyon? O isa lang siyang táong nasa maling lugar sa maling oras? Kung aksidente lang ang pagkamartir niya, karapat-dapat ba siya ng pagdakila?
4. Kapós naman sa gravitas ang paglalarawan sa mga repormistang liberal ng 1860s, lalo na sa mga tunay na utak ng motín. Kung ihahambing sila kina Peláez at Burgos malayung-malayo sila sa dignidad, talino, at karisma. Ang taas ng antas ng diskurso kapag ang mga kampiyon ng sekularisasyon ang nagsasalita. Kapani-paniwala ang erudisyón at paninindigan nila. Hindi ko nakita ang parehong kalidad sa mga liberal na nagtatawanan at naghuhuntahan habang nanghuhula kung papanig ba sa kanila ang paparating na Gobernador y Capitán General o hindi.
MGA ASPETONG TEKNIKAL
1. Sa totoo lang, mapanghámon ang isapelikula ang buhay at kabayanihan ng Gomburza. Bakit? Una, dahil tungkol ito sa mga ideya – e.g. liberalismo, sekularisasyon, pagka-Filipino. Ano bang “aksyón” ang maaasahan natin mula sa mga pari? Hindi ito katulad ng Heneral Luna o Goyo na ang lunan ay isang aktuwál na digmaan. Marahil likás na mas sinemátiko ang palitán ng putok ng kanyon kaysa tágisan ng mga kaisipang nakapaloob sa mga liham at manipesto. Ngunit may digmaan rin sa Gomburza: digmaan ng tradisyon at modernidad, ng luma at bagong identidad, ng imperyo at ng namumuong nasyong Pilipino. Kailangang tutukan ng mga manonood ang mga dayalogo upang maintindihan ang mga detalye at ang mas malalawak pang tema.
Pangalawa, gaya ng nabanggit na sa itaas, nagsimula ang sekularisasyon bilang isang kontrobersya sa loob ng simbahan. Samakatuwid, umpisa pa lang, may kahirápan na talagang ilápit ang paksang ito sa ating panahon at interés. Dito natin mamamálas ang galíng ng lahat ng bumubuo sa pelikula. Sapagkat malikhain, kawili-wili, malalim, at makabuluhan ang produkto ng kanilang pagsisikap.
2. Kaugnay ng naunang bilang, masasabi kong isa sa mga kalakásan ng pelikula ang estilo at ritmo (pace) nito ng pagkukuwento. Kahit abstrakto ang pinagdedebatihan ng mga tauhan, hindi ito nakakabagot o nakakainip. Ibig sabihin, pulido ang pagkakasulat ng screenplay at malinaw ang bisyón ng direktor.
3. Napakahusay ng mga aktor, lalong-lalo na sina Dante Rivero (P. Mariano Gomes), Cedrick Juan (P. José Burgos), Enchong Dee (P. Jacinto Zamora), Piolo Pascual (P. Pedro Peláez), Elijah Canlas (Paciano Mercado), Tommy Alejandrino (Felipe Buencamino) at Jaime Fabregas (Arsobispo Gregorio Melitón Martinez). Noong una, naitanong ko kung bakit hindi na lang si Dee ang gumanap na Burgos, gayong mas may karanasan siya? Pagkatapos kong panoorin si Juan, naiintindihan ko na kung bakit. May mga artistang tila isinilang para gampanan ang isang tauhan. Tulad ni John Arcilla kay Antonio Luna, tumátatak sa kamalayan ang pagganap ni Cedrick Juan bilang Burgos.
4. Sa pangkabuuan, kapuri-puri ang sinematograpiya. May mga eksenang tila pintúra (painting) dahil sa ganda ng pagkakakulay, lalo na ang nakakaantig na eksena ng paggarote. Tumulo ang luha ko rito. Naririnig ko pa rin ang ingít ng bakal na pihitán bago mabalî ang bátok ng mga paring martir. Sa kabila nito, may ilang eksena pa rin na masyadong madilim ang pagkakailaw sa aking panlasa. Hindi ko tiyak kung iyon talaga ang intensyon ng DOP o malabo nang talaga ang mga mata ko, hehe.
5. Nakulangan ako sa film score. Hinanap ng mga tenga ko ang angkop na músikang makakapagpatindi pa sana sa nararamdaman ng manonood. Posible kayang sinadyang bawasan ang músika para mas madali nating masundan ang mga usapang nasa Español?
MGA MUNGKAHI
Dahil umaasa akong gagawa pang muli ng pelikulang histórikal ang mga nasa likod ng Gomburza, may ilan akong mungkahi.
1. Kailangan pang maging mas konsistent sa paggamit ng wika. Halimbawa, sa isang eksena, “equalidad” ang gamit ni Peláez, pero sa susunod, “igualdad” na ang gamit ni Burgos. Hindi ako matatás sa Español pero “igualdad” ang alam kong salin ng “equality”. Magkaganito man, kung ikukumpara sa mga naunang pelikulang histórikal, nakakabilib na ang Español ng mga aktor ng Gomburza, lalo pa’t ang hahaba ng mga linya nila.
2. Makakatulong rin ang paglalagay ng mga pangalan ng tauhan, lugar, at petsa (kahit taón lang) para mas madaling masundan ng manonood. Malamáng na gamiting materyal ito sa pagtuturo, kaya mas madaling maiintindihan ng mga mag-aaral kung maidadagdag ang mga ito. Maaari ding pagawan ang pelikula ng gabay sa pagtuturo/pag-aaral tulad ng nauna kong ginawa para sa Heneral Luna (2015), Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli (2016), Goyo Ang Batang Heneral (2018) at The Kingmaker (2022). Sa gabay, maaaring isama sa panunuri ng pelikula ang mga eksenang ginamitan ng creative license o artistic liberty (e.g. “pagkakasaksi” ng batang José Rizal sa paggarote sa mga pari sa Bagumbayan).
3. Kung Inglés ang subtitles dahil sa paniwalang mas malawak ang maaabot nitong manonood, madaling maintindihan. Ngunit kung ipapalabas ito sa mga streaming platform sa hinaharap, sana magkaroon din ng subtitles na Filipino para sa mga gustong unawain (at namnamin) ang pelikula sa Filipino.
4. Maaaring kumonsulta sa mas marami pang batis pangkasaysayan (historical sources) para sa mga detalye ng period costumes at iba pang props. Puwede ring makipagtulungan sa mga historyador at sa mga grupong nagsasadula ng mga makasaysayang pangyayari (historical re-enactment groups) para magalugad ang mga posibilidad ng pagsasapelikula ng mga unipormeng militar, armas, taktika, pormasyón ng mga hukbo at labanáng histórikal.
PAGPAPAHALAGA SA PELIKULA
Kahit sa mga klase ng Kasaysayan at Araling Panlipunan, madalas na lundágan lamang ang 1872 ng pagtalakay sa Kilusang Reporma (1880s) at Himagsikang Pilipino (1896-1898). Sa historiograpiya man o sa pagtuturo, higit ang pagtatampok sa panahon at pakikibaka nina Rizal, Bonifacio, Jacinto, Aguinaldo, at Mabini. Itinuturing man ng mga historyador ang 1872 na ikutang pangyayari (turning point) sa kasaysayan ng nasyonalismong Pilipino, madalas na naitutuon lamang ang talakayan sa klase sa pagbitay sa Gomburza. Isa kasi itong kongkretong halimbawa ng inhustisyang Espanyol. Ngunit hindi natin gaanong napapag-aralan ang matagal at masalimuot na prosesong histórikal na nagsilang sa identidad na “Filipino”. Samakatuwid, pinalawak at pinalalim ng pelikula ang kaalaman natin tungkol sa pinagmulan ng nasyonalismong Pilipino.
Kung tutuusin, ang konstruksyón ng identidad na Pilipino bilang isang proyektong pulitikal ay matagal nang paksa ng mga akademikong pananaliksik. Ngunit masasabi nating “bago” pa ito sa mga manonood ng pelikula. Sa popular na kamalayan kasi, “lahi” (race) ang pagiging Pilipino – i.e. nakabatay ito sa “dugo”. Halimbawa, malaganap pa rin ang mga komentong dapat “purong” Pilipina ang mga kandidata natin sa international pageants. Ngunit sa totoo lang, ang mga unang umangkin ng katawagang Filipino ay ang mga criollo (o insular, mga Español na ipinanganak sa Filipinas), bago pa ito ginamit ng mga mestizo at indio sa panahon nina Rizal. Palibhasa, isinilang tayo sa isang panahon na Pilipino na ang tawag natin sa sarili natin.
Higit sa kaalamang histórikal, umaasa akong makakatulong ang mga ganitong pelíkula sa pagninilay sa ating mga kolektibong halagáhin (values). Kung nagalit tayo sa inhustisyang napanood natin, dapat tumitindig din tayo upang labanan ang mga inhustisya sa ating lipunan at panahon.
Maaaring maging mitsa ang panonood ng Gomburza ng mas malalalim pang talastásan tungkol sa mga makabuluhang usapin. Patunay lámang ito ng natatanging kapangyarihan ng pelikula bilang midyum ng pagsasalaysay.
Larawan mula sa Koleksyong Xiao Chua. Kaliwa: ang orihinal na larawang kuha ni Albert Honiss na naging batayan ng ikónikong imahe ng GOMBURZA (mula sa koleksyong Maximo Paterno ni Dennis Villegas). Kanan: ang poster ng pelikulang Gomburza (2023), mula kay Jon Montesa. Unang ipinaskil sa artikulo ni Prof. Michael Charleston “Xiao” Chua sa The Manila Times, Enero 2, 2024.
Mula sa orihinal na manulat ni Professor Alvin D. Campomanes