Pinili ng mga aktres na sina Bea Alonzo, Liza Soberano at Kim Chiu at komedyanteng si Michael V. si Vice President Leni Robredo bilang kanilang pangulo.
Sa kanya-kanyang social media accounts, nag-post ang apat ng kanilang mga daliri na may indelible ink matapos bumoto noong Lunes.
Sinamahan ni Bea ang kanyang post ng caption na “Praying for a peaceful and orderly election today. Vote wisely!! #Eleksyon2022”
Hindi man binanggit ni Bea ang pangalan ng kanyang binoto, nakasuot siya ng pink sa larawan bilang suporta kay VP Leni.
Sa nauna niyang post, hindi binanggit ni Bea ang pangalan ni VP Leni ngunit ginamit niya ang hashtag #IpanaloNa10ParaSaBayan at pink na rose emoji sa dulo ng kanyang post.
Suot naman ang pink na damit, naka-finger heart naman si Liza sa larawan na sinamahan niya ng caption na “First time voter for @bise_leni!!” Bago rito, nagpahayag si Liza ng suporta kay VP Leni sa pamamagitan ng video message sa isa sa kanyang mga grand rally.
Sinamahan naman ni Michael V. ang kanyang post ng caption na “Wag kalimutang bumoto at irespeto ang desisyon ng kapwa Pilipino. Best of luck to our next president… whoever she may be.”
Nag-post din si Kim ng larawan ng kanyang daliri na may ink na may kasamang disenyo ng pink heart.
Sinamahan niya ang post ng caption na “Done voting. Did my part as a Filipino Citizen.”
“Voting is the most precious right of every Filipino. Exercise it wisely. Kung ano man po ang desisyon nyo ngayon. Isipin po natin pang 6 years po ito ng buhay ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya.